Analysis,Featured,Popular Campaigns,Transportation

Hindi Business ang Public Transport

November 21, 2017

Hindi tutol sa modernisasyon ng public transport system ang mga nagsasagawa at sumusuporta sa transport strike. Naninindigan tayo na ang interes ng mga tsuper, operator, at mga commuter ay hindi dapat maging biktima ng hit-and-run sa pagratsada ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.

“Modernisadong” sasakyan: Import-dependent at pabor sa mga korporasyon

Napakasarap sa pandinig ang mistulang makabayang pangako ng Kagawarang ng Transportasyon (DOTr) na magbibigay ang PUVMP ng trabaho dahil sa “local manufacturers na mag-didisenyo ng units.” Ngunit maingat na naisantabi ng ganitong pahayag ang tunay na laman ng programa. Una, hindi sarado ang PUVMP sa importasyon ng PUV. Pangalawa, sa ilalim ng kasalukyang programang Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS) na ipinatupad ng rehimeng Aquino, importasyon pa rin ang primaryang paraan para makakuha ng mga parte, at assembly lamang ang gagawin sa Pilipinas. Ang mga chassis ay yari sa labas ng bansa ng mga kumpanyang Hino, Isuzu, Fuso at Foton, habang ang ipinagmamalaking mga Euro IV na makina ay magmumula naman sa India, China, at Japan. Sa katunayan, ang kasalukuyang COMET e-jeep na bumabyahe sa Quezon City ay mula sa Pangea Motors, LLC mula sa US, at ang bumabyahe naman sa Makati ay galing sa Teco Electric and Machinery Co. Ltd., na mula sa Taiwan.

PUVMP at TRAIN: Pipigain ang mahihirap, pagkakakitaan ng malalaking kapitalista

Dagdag pa, kakabit ng PUVMP ang panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN), kung saan mas bibigat ang buwis ng mga mahihirap at gagaan naman para sa mga mayayaman. Ayon sa Kagawaran ng Pinansiya (DOF), ang kabuuang halaga ng PUVMP ay P417 bilyon. P17 bilyon dito ay magmumula sa TRAIN, at ayon sa DOF mismo, makikinabang ang mga vehicle at car parts manufacturers dahil sa malilikhang mataas na demand para sa mga panibangong PUVs sa ilalim ng PUVMP. Samakatuwid, sa PUVMP at TRAIN, magmumula sa buwis ng mahihirap ang ganansya ng mga malalaking kapitalista.

Sapilitang pagkabaon sa utang: Anti-tsuper at operator

Kung susuriin ang lagay ng transportasyon sa konteksyo ng kasalukuyang pang-ekonomikong kalagayan ng ating mga tsuper, hindi rin sapat ang ipinapangakong subsidyo para makabili ng mga bagong sasakyan alinsunod sa kahingian ng PUVMP. Sa inihaing financing scheme ng DOTr, ibabaon sa utang ang ating mga operator at tsuper dahil awtomatikong kakaltasan ng P800 ang kanilang kita kada araw. Kakailanganin rin nilang pumasada araw-araw upang makaagapay sa arawang bayad. Dagdag pang pabigat ang hakbang-hakbang na pagtaas ng minimum na bilang ng sasakyan (10 units sa inisyal, 20 units sa 2018, 40 units sa 2019) para maituring na lehitimong prankisa sa ilalim ng PUVMP. Titiyakin nito na ang tanging makakapasok sa programa ay ang may kakayahang magbayad: hindi ang mga maliliit na operator at ordinaryong mamamayan, kundi ang oligarkiya at malalaking korporasyon.

Pagtaas ng pamasahe: Anti-commuter

Hindi maiiwasan ang pagtaas ng pamasahe kapag ganap nang na-takeover ng mga dambuhalang korporasyon ang industriya, lalo’t napakalaki ng kapital na kailangang i-invest para makapasok sa programa. Mura pa ngayon ang mga e-Jeep dahil nakikipagkompetisyon pa sila sa ating mga PUJ. Ni hindi magarantiya ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na walang magaganap na pagtaas sa presyo ng pasahe pagsapit ng “modernisasyon” ng mga PUV. Sa ating karanasan sa pribatisasyon ng mga serbisyo at utility tulad ng kuryente, tubig, at telecommunications, binubuntutan ng pagtaas ng presyo ang panghihimasok ng malalaking korporasyon. Sa transportasyon, halimbawa, nang pumasok ang Beep Card ng Ayala sa LRT at MRT, ang pamasaheng dating P15-20 ay agad na tumaas sa P28-30.

Modernisasyon at ginhawa: Para kanino?

Maaari ngang lumaki ang kita sa ilalim ng PUVMP. Ngunit ang paglaki ng kita ay matatamasa lamang ng may malalim na bulsa na syang kayang pumasok sa programa.
Muli, maganda at karapat-dapat lamang na magkaroon ng isang ligtas, efficient, abot-kaya at maka-kalikasang public transport system. Subalit hindi ito dapat ibangga sa interes ng mga driver, operator at commuter, na kasalukuyang ginagawa ng DOTr at LTFRB. Hindi magkasalungat ang pagnanais nating magkaroon ng malinis na kapaligiran, kumportableng biyahe, disenteng kabuhayan. Kailangang tandaan ng DOTr at LTFRB: hindi business ang pampublikong serbisyo, at karapatan ng mga tsuper at commuter na ipagtanggol ang ating mga kabuhayan at karapatan.

Maka-masang pambansang industriya, hindi maka-korporasyong monopolyo

Imbes na ituon ang panahon, pinansya at rekurso ng taumbayan sa madaliang ganansya ng mga dambuhalang korporasyon, dapat imaneho ang DOTr at LTFRB sa landas papuntang pambansang industriyalisasyon.

I-regulate ang pamasahe na nakasandig sa paniniwalang pampublikong serbisyo ang transportasyon, at hindi dapat pagkaperahan ng mga korporasyon.

  1. Sistemang “palit-jeepney” para sa maliliit na operator, hindi para sa mga malalaking korporasyon. Pondohan ang regular na pagmamantina at pag-upgrade ng mga sasakyan, sa halagang libre o abot-kaya ng mga operator at driver. Tulungang pausbungin ang tunay na lokal na industriya ng paggawa ng mga PUV, at hindi pag-assemble lamang.
  2. Kilalanin at suportahan ang mga single operator/driver, at labanan ang panghihimasok ng
    malalaking korporasyon. Bigyang diin ang mga kasalukuyan nang tunay na kooperatiba o samahan ng mga driver/operator, at limitahan ang mga corporate fleet sa iilang ruta lamang.
  3. Ipaglaban ang disenteng kabuhayan para sa mga drayber ng PUVs, mga manggagawa sa mga pagawaan ng mga sasakyan, at lahat ng commuter kasama ang mga estudyante, manggagawa, propesyunal. Tutulan ang TRAIN.
  4. #Notojeepneyphaseout #saveourjeeps